at tayo'y nagsayaw sa saliw ng tugtugin ng kamunduhan... mercedes. hyundai. toyota. avida. cake mula sa mandarin oriental. kasabay sa elevator paakyat sa palapag ng opisina, ikaw rin ang kasabay ko nang ako'y muling manaog para punuin ang pagkauhaw sa usok na maglalakbay sa palibot ng baga, sa nikotinang makikihalo sa hemoglobin, sa tar na maglalason sa sistema ng katawan at magdudulot ng rebolusyon upang magkaroon ng kaisipang dalhin ka sa sikodelyong kalayaan--mag-iisip ka, mag-iimbento ka ng magandang salitang makabago tulad ng sushell-susyal na suso na may kyutiks ang shell, matingkad na palamuti para takpan ang imperpektong bahagi, isakay mo sa magarang sasakyan kung saan ko nakita ang babaeng laman ng aking makamundong pagnanasa... "punuin mo ang kakulangan sa aking kalamanan at dalhin mo ako sa sukdulan ng aking pangarap, palabasin mo ang semilya na puno ng kalungkutan at ibigay sa akin ang natural high ng kaibugan. patigilin mo ang pananakit ng aking tagiliran, palabasin mo ang hangin at likidong nagsanib para patigasin ang aking tadyang. lipulin mo, o, babae sa bmw, ang lahat ng pampatigas, palambutin mo ang laman sa pagitan ng aking mga hita, piraso ng lamang tumigas at tumayo patagilid, nakaturo sa kung saan humarurot ang iyong sasakyan, nakaturo sa iyong likuran at tila nagsasabing, 'sundan mo ang babae' 'patungo saan?'" o, kabanal-banalang, kataas-taasang, kagalang-galangang kaharian ng kamunduhan, ilapit mo ako sa pook na malayo sa kasalanan! dumating si bossing... panandaliang katahimikan. panaka-nakang talamitam. "pabango, nagbebenta ako. free taste." gusto mong tumigil sa pagsusulat at hindi lang basta sa pagsulat kundi sa gawaing ninanais ng buong pagkadiyos mong gawin. gamitin mong panulat ang iyong ari at tinta ang iyong ihi, kung gusto mong burahin ay maglabas ka ng semilya at patuyuin sa lamesa hanggang bumaho at maging kupal tulad ng amo mong nagbebenta ng pabango at ang kanyang presensya mismo ay nangangamoy, sumisirit sa kanyang mga glandula ng pawis ang baho ng kanyang pagkatao, amoy klorox kanina, amoy kesong humpy dumpy ngayon. kaninang nakasakay siya sa fx, napaigpaw pa ang tsuper nang maamoy ang kanyang pabango pero pagpasok niya sa opisina, sa opisinang kaninang wala pa siya ay masaya, para bang usok mula sa istik ng tar at nikotinang naglason sa kasiyahan, amoy na amoy namin ang pagpapanggap na nananalantay sa iyong mga ugat. marumi, mapagpanggap. hindi tulad ng babaeng sakay ng bmw kanina, siya ang babae ng aking panaginip, siya rin ang babaeng laman ng aking bangungot na kailanma'y hinding-hindi na magiging laman ng katotohanan pagka't wala na ang kanyang sasakyan, wala na rin ako sa daan, nakaupo na rito sa opisina, nakaupo, nagpapanggap habang pinakikinggan ang usapan ng mga amo at pinakikiramdaman kung minamasdan ng kanyang mga matang mapanghusga at mapagpanggap kung ano ang aking ginagawa o kung ako lang ba ay nagpapanggap na may ginagawa. tsek tsek. avp. ambesyl. amlodipine. hydrochlorothiazide. carnicor. enalapril. patigilin ang pagdaloy ng puso, patigilin ang aking pag-iisip, dalhin mo ako sa walang kamalayan kung saan naroon pa rin ang babae sa bmw kanina. may problema ang kompyuter ng kaopisina, sa laptop mo, wala kang ginagawa. pareho kayo ng amo mo, mas mataas lang ang kalidad ng kanyang laptop pero hindi ng kanyang kaisipan. paano ang kaisipan ko? kung maaari lang ipagpalit ang kaisipan para sa sandaling katahimikan, walang iniisip, wala ring nararamdaman kundi ang kawalan na parang paglutang sa kalawakan.
xdelax-circa09
0 comments:
Post a Comment