“Anak, para mabuhay ka sa mundong ïto, isa lang ang kailangan mo: common sense.”
“’Nay, ano po yung common sense?” ito ang paulit-ulit kong tinanong kay ermats nung bata pa ako. Hindi pa yata ako nag-aaral at hindi pa man uso ang pagdugo ng ilong noon sa mga salitang Ingles na di mo maintindihan, naramdaman ko nang may pumutok na ugat sa utak ko.
“Itanong mo sa tatay mo,” sabi niya.
Mula sa kusina ay nagtungo ako sa sala kung saan nanonood ng balita sa telebisyon si erpat.
“’Tay, ano po ba ang common sense?”
“Tupe, anak, simple lang common sense, dapat alam mo na ‘yan. Tingnan mo ‘tong remote control ng TV. Nakikita mo?”
Tiningnan ko naman, sabay tango.
“Hawakan mo naman ngayon. Nararamdaman mo?”
Hinawakan ko rin sabay tango.
“Common sense, ‘nak. Ganun lang kasimple.”
Sa paliwanag ni erpats, di ko pa rin naintindihan ang lintik na common sense. Hindi ako pinatahimik ng dalawang salitang iyon hanggang sa makita ko ang tyuhin ko sa may garahe na umiinom ng alak. Lumapit ako at naupo sa lamesa nang nakatungtong sa isang silya.
“Tsong Rod, alam nyo po ba kung ano yung common sense?”
Napangiwi si Tsong Rod, tila pinag-isipang mabuti ang isasagot. Sa tantya ko, nakakatatlong bote na sya ng Red Horse. Bigla-bigla’y nagulantang ang mga tulili ko sa tenga nang tumawa siya nang malakas.
“Ang common sense,” sa tono ng animo’y pastor. “Ay ang serbesang nilagok mo mula sa bote.”
“Kapag uminom po ba ako nyan magkakaroon ng common sense?”
“Heto,” sagot nya. “Tikman mo lang.”
Iniabot nya sa akin ang boteng iniinuman nya. Doon ko unang natikman ang pakla ng lasa ng serbesa. Gusto kong iluwa ang katiting na likidong nainom ko mula sa sinumpang boteng ‘yon pero dahil bukod sa nahihiya ako kay Tsong Rod ay ayoko ring mapahiya kaya pinilit kong lagukin hanggang maramdaman ko ang pinaghalong lamig ng balat, pagtayo ng balahibo at pag-init ng aking sikmura.
“Aaaahhhh,” buntong-hinga ko, paggaya sa reaksyon nya kapag umiinom siya nang tuluy-tuloy. “Eh, Tsong Rod, ano po ba yung kantot?”
Ilang sandali rin syang hindi makasagot nang marinig ang aking tanong at naging mas mabilis pa ang pagtungo ng kanyang kamay sa kanyang paanan. Hindi ko na nakitang hinubad niya ang kanyang tsinelas pero nakita ko kung paanong ang swelas nito’y tumambad sa ibaba ng aking pangitain at malakas na humampas sa aking mga labi.
“Huwag mo nang uulitin ‘yan!” palagay kong bulalas nya pagka’t hindi ko masyadong narinig. Hindi ko alam kung panandalian akong nabingi o dahil sa lakas ng hampas ng tsinelas ay nayugyog ang buwakanang utak kong tinamaan sa bahaging responsible sa’king common sense. “Heto.” Iniabot nyang muli ang bote ng Red Horse na nilapag ko sa lamesa bago nya ako tampalin ng tsinelas. Ininom ko ang natitirang laman nito. Namanhid ang aking mga labi, nawala ang sakit, naramdaman ko na lang na nanumbalik ang aking common sense.
Ito ang natatandaan kong kaganapan nang makita ko ang larawan ko noong ako’y apat na taong gulang pa lamang. Ang postura ko’y tila kaiinom lang mula sa isang bote ng Red Horse. Natatandaan ko pang ang asawa ni Tsong Rod na si Tiya Lolit pa ang kumuha ng larawan. Si Tiya Lolit—palagay ko, kung mag-aasawa ang isang tipo ni Tsong Rod, buenas na siya kay Tiya Lolit dahil sa pagkunsinte niya sa mga bisyo nito—alak, sugal, sigarilyo.
Noong hindi pa ipinapanganak ang bunso kong kapatid, kasa-kasamang umiinom ni Tsong Rod si erpat. “Partners in crime” pa nga sila, ‘ika nga. Lahat ng kalokohan ng isa sa magbilas, alam ng isa at umulan man ng sangkatutak na tae ng elepante sa kinatatayuan nila habang kinukurot ng mga misis nila ang kanilang mga singit ay hinding-hindi nila ikakanta ang kasalanan ng isa. Hindi ko alam kung ang pagsilang nga ng nakakabata kong kapatid na si Dianne ang dahilan kung bakit mula noon ay nawala na sa eksena sa “inuman sa garahe” si erpat pero mula rin noon ay madalang na rin silang nag-usap.
Labimpitong taon na ako ngayon at kung mayroon mang pumalit sa trono ni erpat sa garahe, lintik na ako lamang iyon at wala nang iba. Hindi kayang tapatan ng mga padyak boys ang intelektwal na pagpapastor ni Tsong Rod sa tuwing nakakainuman nila ito pero yun ang naging dahilan kung bakit tila nirerespeto sa sulok na iyon ng Tundo ang aming pamilya. Kundi man nila inakalang pulis ang tyuhin ko dahil sa laki ng tiyan ay isa naman siyang intelektwal na taong kayang patumbahin si Manny Pacquiao sa MGM Grand nang hindi sumusuntok.
Isa sa mga itinuro ng tyuhin ko sa aming inuman sa garahe ay ang pagiging responsableng manginginom...
“Alam mo ang responsableng manginginom? Kapag tagay mo, tagay mo na, walang pass pass.”
Kaya kahit na tumutulo na ang nakanantokwang laway ko at hindi na makapaglakad nang tuwid, tinitira ko pa rin ang kung anumang isinasalin ni Tsong Rod sa baso, maging Fundador man na sinabayan ng serbesa bilang chaser.
Kung minsan, nabubuskahan ako ng Tiya Lolit na nasisira raw ang inidoro kapag ginagamit ko sa madaling-araw...
“Gumalaw na naman ba ang inidoro?” tanong niyang pabiro sa’kin sa umaga, kasukdulan ng pagsakit ng ulo ko nang dahil sa hangover. Noong una, napaisip ako kung ano’ng ibig nyang sabihin, naalala ko na lang, sa tindi ng pagsusuka ko, hindi pala nasuswak lahat ng tira-tirang pulutang kinain ko mula sa gabi ng inuman sa garahe sa inidoro. At sa tuwing yuyuko ako sa harap ng inidoro’t pinipidot ang flush handle, kasabay na umiikot ang mga likido sa utak ko ang tubig mula sa inidoro. “Kung ilublob ko kaya ang ulo ko sa hinayupak na inidorong ito, mawala kaya ang tama ko?” naisip ko.
Lalo pang lumala ang pagkagiyang ni Tsong Rod sa serbesa nang malaman niya ang mabuting dulot umano ng pag-inom nito.
“According to studies, drinking beer prolongs life,” sabi niya. Kapag narinig mo siyang magsalita nang ganito, hindi mo aakalaing hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral. Naisip ko, siguro may kung anong espiritu ng karunungan ang kumakantot sa kanyang brain cells sa tuwing umiinom siya ng alak.
“Watdapak, tsong!” nasambit ko. Bigla akong natigilan, pinagpawisan ako nang malamig at kumaripas ng takbo ang hemoglobin ko sa iba’t ibang bahagi ng katawan ko. Naalala ko noon nang sabihin ko ang salitang kantot sa harapan niya. Inasahan ko na ang muling paglapat ng aking labi sa swelas ng kanyang tsinelas. Kiningina, Rambo pa naman ang tatak ng tsinelas niyang suot ngayon. Pero sa pagkakataong ito, hindi niya ako tinampal ng tsinelas bagkus ay tumawa lang siya nang malakas. Nakitawa na rin ako.
Isa sa mga bagay kung bakit naniwala ako noon kay Tsong Rod na may kinalaman ang alak sa common sense ay nang dumalaw ang isa ko pang tyuhin na si Tsong Bei. Mahaba-haba rin ang naging gabi ng inuman namin sa garahe. Nalaman kong isa palang isang bokal sa lalawigan ng Bulakan ang payat, clean-cut at mahiyain kong tyuhin na si Tsong Bei. Matagal-tagal na rin siyang hindi nakainom ng alak dahil sa operasyon niya noon sa pantog. Pero hindi siya nakatanggi nang sabihin ni Tsong Rod ang kanyang mahiwagang linya: “Shot ka muna!” Ni minsan, wala pang nakatanggi sa tiyo ko kapag sinabi niya na ang katagang iyon. Tulad ko, ayaw rin nilang mapahiya si Tsong Rod sa pagtanggi. At si Tsong Bei ay tila naging isang manlalakbay sa parang at ang gin ang naging bukal ng tubig na kanyang natagpuan matapos ang mahabang paglalakbay.
Nang matapos ang aming inuman nang gabing ‘yon at nakahiga na ako sa aking kamang walang tigil sa pagyugyog gawa ng aking umiikot na utak, nakarinig ako ng ungol mula sa kabilang kwarto kung saan nakitulog si Tsong Bei.
“Nabubulag ako!” sigaw ng tyuhin kong panay pa ang suntok sa pader na naghihiwalay sa aming kwarto. “Mangga! Mangga!” Tangina, nawala ang amats ko sa katatawa nang marinig ko ang sigaw niya.
Pagkagising ko kinabukasan, nakaalis na si Tsong Bei.
Marami pang aral na naituro sa akin ang pag-inom ng alak na hindi ko natutunan mula sa mga dalub-guro ko pagtungtong ko ng kolehiyo. Isa na rito ang komunikasyon...
“Lit, kakain lang kami ni Tupe ng goto,” pagpapaalam ni Tsong Rod kay Tiya Lolit isang gabi habang kami'y umiinom.
“Sige,” sagot ni Tiya Lolit. “Dalhan niyo na rin kami ng lugaw. Gusto ko yung may itlog.”
Hindi gotohan ang pinuntahan namin ng tyuhin kong magaling kundi beerhouse. Hindi ko mawari kung saan pinagkukuha ni Tsong Rod ang kanyang perang panggastos sa kanyang mga bisyo at doon sa beerhouse, nakuha niya pang kumuha ng dalawang kwarto na pang-VIP para ilibre ako ng isa sa mga babaeng pinapasok pa sa loob ng kwarto para makapili kami. Matapos makapili, nagsimula na ang mahabang gabi ng tomahan, kwentuhan at manyakan. Inabot kami ng alas-tres ng umaga.
Kung mayroon mang bisyo si Tsong Rod na hindi kinunsinte ni Tiya Lolit, iyon ay ang pambababae. Nang dumating kami sa bahay, sangkatutak na hiyawan ang tumambad sa tainga namin ng tyuhin ko mula sa kanyang asawa at kay ermat.
“Goto? Inabot kayo ng alas-tres? Tatlong oras? Kumain lang kayo ng goto?” Hindi ko mawari kung sino na ang nagsasalita. Parehas na ng sinasabi ang magkapatid na babae.
“Saan kayo kumain ng goto?”
“Sa Chowking.” “Sa Cora’s.” magkasabay naming bulalas ni Tsong Rod. Putang ina! Huli!
“Saan?” galit na galit na tanong ni Tiya Lolit. “Chowking ba o Cora’s?”
“Sa Cora's.” “Sa Chowking.” Putang ina uli! Ginaya ko na ang sagot ng bwakanang tyuhin ko, ginaya niya naman ang una kong sagot. Putang ina talaga.
Lumabas ang pagiging babaeng Tundo ni Tiya Lolit nang sinapak niya si Tsong Rod sa mukha at makailang patikimin ng hambalos ng pambomba ng inidoro ang iba't ibang bahagi ng katawan ng magaling kong tyuhin. Ako? Tumakas na, dumiretso sa kwarto at natulog. “Bahala na,” naisip ko. Senglot na senglot na ako.
Maging sa pag-ibig ay may naituro rin sa akin ang “inuman sa garahe.”
“Tsong, bakit parang walang babaeng nagmamahal sa’kin?” Naitanong ko minsan sa tyuhin ko, iniisip kung bakit pakiramdam ko’y sa bawa’t pakikipagtalik ko sa mga naging tsikas ko noon, sila’y pulos libog lang at walang halong pakiramdam.
“Bakit mo naman nasabi?” sagot niyang patanong.
“Kasi si Ellen. Alam mo yung tipong pakiramdam na, ‘while I was making love to her, she was just having sex with me?’”
“Hahahaha! Ispokening dollar ka na ngayon, Tupe ah! ‘Yan ba nagagawa ng pag-ibig sa’yo?”
Hindi na ako nakaimik. Ni minsan, hindi ko nakitang magsasalita o magtatanong sa tyuhin ko patungkol sa personal kong buhay pero siguro dahil sa lungkot ko at sa alkohol na yumayakap sa dugong dumadaloy sa'king ugat ay naibulalas ko na lamang nang walang kapararakan ang tanong na iyon.
“Huwag mong isipin kung may ibang taong nagmamahal sa’yo. Mas mahalagang matutunan mong mahalin ang sarili mo.”
Kahit papaano, napagtanto kong may sense ang kanyang sinabi. Pero mula noon, hindi na ako nagsalita sa harap niya ng tungkol sa babae. Hindi ko matandaan kung doon ko rin natutunang ang libog ay libog. Ang pakikipagtalik ay libog. Pagbali-baligtarin mo man ang ikot ng mga planeta sa araw, hindi pag-ibig ang nag-uudyok sa pakikipagtalik. Libog lang ‘yan. Pera raw ang nagpapaikot sa mundo? Mali. Libog! Iyon ang naging paniniwala ko, marahil sa naidulot na rin ng pinaghalong alkohol at pagkagiyang ko sa totnaks.
Ang alak din ang nagpakilala sa’kin kay Led Zeppelin at Jeff Buckley. Hindi si Tsong Rod ang unang nagparinig sa’kin ng “Stairway to Heaven” o “Grace” o anu pa mang kanta ng dalawa. Mas maka-Matt Monroe at Frank Sinatra siya na lagi niyang pinatutugtog sa garahe lalo na tuwing linggo. Sa pakikinig ko sa mga musika ni Led at Jeff, tila lalong naging mas makabuluhan ang pag-atake ng alak sa’king ulirat.
Ang aming “inuman sa garahe” ay para ring isang gag show. Mali pala—gagong show. Dalawang gagong umiinom na pinagtatawanan ang lahat ng bagay maging ang butas na salawal na suot ni Aling Pacing sa tapat ng aming bahay sa tuwing sinusaway kami dahil sa lakas ng tugtog mula sa karaoke ni Tsong Rod. Dalawang gagong walang-puknat na pinagtatalunan kung alin ang mas mahalaga: puso o isip. Dalawang gagong nabuhay sa bisyo—yosi ang almusal, kape maghapon, alak sa gabi, goto sa madaling araw. At ako ang isang gagong natutunang dalawang senses pala ang kailangan para mabuhay: common sense at sense of humor.
Pero sa rami ng mga bagay na hindi ikinatuwa ng mga tao sa aming pag-inom, isa lang ang nagdulot para magwakas ang aming “inuman sa garahe” na kahit kami ni Tsong Rod ay hindi mahanapan ng daliri para ipangkiliti sa natitira pa naming sense of humor...
Katatapos lang naming uminom. Kaarawan ni erpat at kahit hindi siya uminom, kasama naming siya sa garahe, pati sina ermat at Tiya Lolit at ang iba pang mga bisitang hindi ko na matandaan kung kilala ko o hindi. Nakapasok na ako sa aking kwarto para matulog. Nasa kalagitnaan na ako ng pagkagising at pagkakahimbing nang marinig ko ang sigawan sa labas. Nagtatalo sina Tsong Rod at ang inay at itay. Sa pagkakarinig ko, inaakusahan nilang may ginawang masama si Tsong Rod kay Dianne nang gabi ring 'yon. Nawala ang hilo at paglalaway na nararamdaman ko dahil sa kaba. Makipagpatayan na kami ni Tsong Rod sa mga siga-sigaan o kahit sa Sputnik Gang sa Tundo, huwag lang kami-kami ang magpatayan. Morbid na kung sa morbid pero naisip ko agad na mauuwi sa madugong eksena ang kanilang pagtatalo ayon sa mga mga kalabog na narinig ko. Umupo ako sa dulo ng aking kama at naghintay. Tang ina! Pinutakti ako ng aking pantog. Ihing-ihi ako. Humiga ako at sinubukang matulog, ipagwalang-bahala ang pag-aaway nila sa labas at ang namimilipit kong katawan dahil sa sakit ng pantog. Naisip ko, “umihi na lang kaya ako rito sa kwarto?” Iyon na sana ang gagawin ko nang marinig ko ang pagkakapinid ng pintuan ng bahay at ng mga kwarto. “Tapos na siguro sila,” pakiwari ko. “Magsisitulugan na.”
Lumabas ako ng aking kwarto at dali-daling pumasok sa kasilyas at inilabas mula sa tubo (na nakakabit sa aking katawan na hiniling kong sana’y sa tuwing ihing-ihi ako’y parang takong de roskas para maaaring iwan sa kasilyas) ang likodong inipon ng takot, alak, nikotina at karuwagan.
“Tang ina mo!” bulalas ng boses sa aking likuran. Nakaligtaan ko palang isara ang pinto dahil sa pagmamadali. Bago pa man ako nakalingon ay natumba na ako sa lakas ng tadyak na tumama sa'king likuran at napatigil sa aking pag-ihi. “Sino kayo sa akala niyo?” Hindi ko alam kung lalaban ako o hahayaang tumama ang kamaong mabilis na lumilipad sa hangin patungo sa'king pisngi. Hindi ako nakalaban. Ang tyuhin ko 'yon.
“Tsong,” gusto kong magsalita at awatin siya sa pagbugbog sa’kin pero maging ang aking dila ay nanghina. Nanlabo na rin ang aking mga mata at hindi ko na nakita kung si erpat ba o Tiya Lolit ang umawat kay Tsong Rod sa pagbugbog sa’kin. Bago pa man namanhid ang katawan ko, naramdaman ko pang may dugong tumutulo mula sa’king ilong... Walang nagsalita ng Ingles. Iyon ang totoong pagdugo ng ilong. Unti-unti’y nawala ang sakit na aking nararamdaman. Doon na ako nawalan ng malay.
Sentido-kumon. Nagkaroon nga ba ako nito noong tinungga ko ang bote ng Red Horse na ibinigay ni Tsong Rod nung bata pa ako? Sentido-kumon. Kapag nakainom ka ba nang higit sa kaya mo, nawawala na rin ito kasabay ng ulirat mo? Sentido-kumon. Iyon nga ba’y tungkol lang sa simpleng persepsyon mula sa ating nakikita, naririnig, naaamoy, nalalasahan at nadarama? O tungkol sa payak na pakiwari natin sa mga bagay-bagay? Mayroon nga kaya nito si Tsong Rod noong tinampal niya ako ng kanyang tsinelas? Noong nakalimutan niyang pag-usapan namin kung saang gotohan kami nagtungo? Noong nakipag-usap siya sa mga padyak boys at sinabing kaya niyang patumbahin si Pacquiao sa pamamagitan ng pagpitik ng limang beses sa kanyang bodega? Noong sipain niya ako habang nakatayo sa kasilyas at umiihi? Nang nagdesisyon kaya siyang pumasok ng rehab, nagkaroon na kaya ng sense ang mga bagay-bagay sa buhay niya, bukod sa panunumbalik ng kanyang common sense? O lalong nawala kasabay ng paglusaw ng mga makalangit na kemikal mula sa alak na noo'y nagpapadaloy ng dugo niya sa ugat mula sa puso hanggang sa utak?
Dalawang taon nang nakalilipas nang mangyari ito. Bukas, darating muli si Tsong Rod mula sa rehab. Hinuha ko mula sa mukha nina ermat at erpat, bukas-palad pa rin nilang tatanggapin ang tyuhin ko. Nakahanda na rin ako sa kanyang pagbabalik. Hindi ko alam kung tuluyan na siyang nagbago at tinalikuran ang pag-inom pero sa kaibuturan ng aking apdo, hinihiling kong magkaroon pa kami kahit isang gabi ng “inuman sa garahe,” para sa gitna ng usapang katatawanan at pagtatalo, masabi kong napatawad ko na siya. Dahil buhat nang natigil ang aming inuman sa garahe, ang naging sense ng buhay ko? Paking sens!
xdelax-12/08
0 comments:
Post a Comment