pagmimiron--wala lang maisip na titulo pero dahil may magwala ka, magmeron ka, pwede na siguro itong titulo. pero dito, ang kamalayan mo ang uusisain mo tulad ng pag-usisa ko sa hindi man pisikal ay nagkikiskisang mga bagay sa mga semilyang nagawang maglanguyan sa aking utak: dinig ko ang kabaga-bagabag na sigaw ng sirena--wang wang--nakakabuwang. naalaala ko na naman ang takot ni pedring sa sunog, sa apoy, lalo na sa tuwing maaalala ang pagputok ng saksakan noon nang ipinasak niya ito sa outlet. at habang iniisip ko ang pagsimula ng thread na ito nang ako'y nasa kama na, naisip ko si pedring ay hindi si pedring kundi ang imaheng magiging representasyon ng aking kamulatan. si pedring na kahit anong pagbuga ng usok mula sa yosi ko ay hindi magpapakita kahit hulma ng kanyang bungo. si pedring, tulad ni val na isang malay, si pedring din ay walang malay, hindi naman patay, inilibing, nanaog sa kinaroroonan ng mga yumao, nang ikatlong araw nabuhay na mag-uli; hindi rin naman tunay na buhay--si pedring, representasyon ng aking imahinasyong nagsasabi ng aking kamulatan... at dito isisiwalat ang lahat, pwedeng magwala, pwedeng magsaya, pwedeng magkwento basta totoo at bunga ng direkta at mabilisang pagtama ng mga daliri sa mga letra sa keyboard na kung aplikante ka man bilang encoder ay papasa ka na with flying colors sa ulo mo na parang sarimanok. naalala ko tuloy si ernie baron na sa dos ay pinalitan na ni kim atienza na hanggang kanina'y tinatawanan ko sa aking isipan na ang tunay na pangalan ay kimberly, nasa hitsura naman siguro ni joselito atienza na pangalanan ang anak na lalaking kimberly. hotel kimberly, nakngtutsa, daming alaala sa gawing iyon ng ermita. chat, palitan ng number sa tsikas sa cebu na matagal nang kakilala pero ngayon pa lang makikita, para may matulyan sa cebu? cebu pacific nga ba yung parang may putong ng korona ng manok ang nasa logo? ano nga bang tawag dun sa mapulang bahagi ng ulong iyon ng manok? palong? tae! timpalok, timpalok, tae talaga ng manok. naalala ni pedring nang makita niya kanina ang kapatid na tagilid, naglalaro ng apoy, kalaro ang pinsang humahawak sa kandila. ang sarimanok, matanglawin, kiko matsing. sari-saring bagay ang biglang pumapasok sa isip ni pedring na gawa-gawa lang din ng aking kaisipan, tumatabi siya sa akin, bumubulong habang nagsisindi ako ng bagong istik ng marlboro at pinanonood ang paglakad ng ipis sa kisame. hindi ang ipis ang aking kausap kundi si pedring--"lasing ka kagabi." "hindi, antok lang." "tikman mo ang iyong mga labi." "lasang toothpaste." o yosi? may umepal, isang matagal ko nang kakilala pero ngayon lang uli nagpakita... hindi si pedring na representasyon ng aking kamulatan. kabaligtaran. pamilyar pero hindi ko mawari. "lasang malambot na puso ng siyudad sakay ng bus patungong kalungkutan... naglalasa pa rin." "sino ka?" bawal ba rito ang repressed, suppressed na bahagi ng unconscious na ngayo'y nagpaparamdam din? isang anino ng nakaraan? ang aking konsyensya? mag-safeguard ka? tangina, ang daming basurang tvcs ngayon. taina, bad trip yung nakaisip nung commercial ni mar roxas at manny villar. malamang ngang iboto sila dahil sa buwakanang popular election pero tae, gusto kong lunukin lahat ng gamot na pinag-aaralan sa opisina ni pedring na gamot para sa hypertension para pabagalin ang tibok ng puso at pagdaloy ng aking dugo, kung pwede nga lang tumigil para lang hindi ko na muling marinig, kundi man maisip o maalala ang linya ni mar roxas na: "l-l-lal-l-laban tayo!" "mula sa aking bulsa, tinulungan ko sila!" manny, manny, pahinging money! villar, villar, halina't magbilyar! pacquiao, pacquiao, ang hirap i-type ng apelyido mo! pakyu! gumanti ka ng pakyu sa akin habang suot mo ang boxing gloves. huwag mo lang idadampi sa mukha ko baka isampal ko sa'yo ang pakpak ng sarimanok sa mukha mo. ganito kasaya rito, pwede lahat! magsulat ka ala-jack kerouac na tuluy-tuloy sa isang tissue tapos ay i-post mo rito, gusto mo pa, isang libro ang isulat nang iisa ang talata. o kaya'y magsulat ka ala-henry james na ang isang talata ay umaabot ng ilang pahina. pulitikal? sosyolohikal? ayos lang basta mababasang sikolohikal. bawal ang tumigil, l-l-lal-l-laban tayo! huwag kang aayaw! pakinggan mo lang ang mahinang boses na bumubulong sa'yo, mayroon kang isang pedring na nakatira sa utak mo, sumisigaw ng mga bulong: "wang wang!" "wang wang!" buwang, huwag mong isigaw sa bibig mo, mapagkamalan ka pang buwang ng nanay mong ilang buwan na ring nanonood ng tayong dalawa nang siya lang mag-isa na kung minsa'y kasama ang kapatid mong tagilid, na kanina lamang ay naglalaro ng apoy sa kanto. tuluy-tuloy lang, parang agos ng ilog patungo sa dagat, tinatangay ka nang walang kapararakan, at nagpapatangay ka naman, at sa bawat anod ay ang paggalaw ng iyong mga kamay, mula sa iyong kaisipan patungo sa pahinang kanina lamang ay walang kalaman-laman at kung paano nagkalaman ang tabula rasa ay ganoon ding magkakalaman ang puting papel na parang tiyang matagal nang kumakalam, nagugutom at nauuhaw sa mga titik na naghihintay mula kay pedring at sa ibang mga taong hindi mo nakikita subalit may ibinubulong... sila ang magsasagwan sa bangkang sakay mo sa malakas na agos ng ilog (na walang sirena--wang wang!) ng iyong kamalayan.
xdelax-circa09
0 comments:
Post a Comment